This is an automatically generated PDF version of the online resource philippines.mom-gmr.org/en/ retrieved on 2024/09/18 at 03:00
Global Media Registry (GMR) & VERA Files - all rights reserved, published under Creative Commons Attribution-NoDerivatives 4.0 International License.
VERA Files LOGO
Global Media Registry

Media na ipinatatakbo ng gobyerno

Presidential Communications Office (PCO) ang ahensiyang pangkomunikasyon ng gobyerno na naatasang magbigay ng tamang impormasyon, edukasyon at mga kagamitang pangkomunikasyon sa mga gawain ng gobyerno para magkaroon ng mamamayang may-alam 

Pero sa realidad, ang PCO ay gamit para sa propaganda ng Opisina ng Pangulo. 

PCO ang kasalukuyang may-ari at may-kontrol ng People’s Television Network (PTV), Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC) at DZRB Radyo Pilipinas. 

Mula 2016, ang IBC ay ibinebenta na at ipinatatakbong parang commercial station na umaasa sa sarili nitong kita mula sa mga palabas. Pero noong 2023, inaprubahan ng mga mambabatas ang 250 milyong pisong budget para bawasan ang matagal nang problema ng IBC at bayaran ang mga retiradong empleyado noong 2024.

Gobyerno ang nagpopondo ng pagpapatakbo at paggawa ng mga content ng PTV at Radyo Pilipinas.

Pero may kaunting pag-aari pa rin ang PCO sa Radio Philippines Network (RPN), na ngayo'y nagpapalabas ng CNN Philippines. Si Roman Felipe Reyes, director sa RPN ay pinili ng Pangulo bilang isang direktor ng Maharlika Investment Corporation, na mamumuno ng sovereign wealth fund ng Pilipinas.

Ang Pangulo ay may kapangyarihang baguhin ang ayos at pangalan ng ahensiyang pangkomunikasyon ng bansa.

Noong administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte, ang media na ipinatatakbo ng gobyerno ay nagkaroon ng malaking modernisasyon sa pamumuno ni dating press secretary Martin Andanar. Pinalakas ang signal ng PTV para mapanood hanggang sa malalayong isla ng Pilipinas. 

Pinalakas din ng gobyerno ang presensiya nito sa social media, na nagpalakas din ng mga loyalistang nakatulong sa pagkapangulo ni Duterte noong 2016.

Nang maging Pangulo si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong July 2022, binago niya ang organisasyon ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at pinalitan ang pangalan bilang Office of the Press Secretary (OPS) at itinanggal ang Opisina ng Tagapagsalita ng Pangulo. 

Noong December 2022, marami pang binago sa OPS at pinalitan na naman ang pangalan bilang Presidential Communications Office (PCO). Noong February 2023, lalo pang binago ng Pangulo ang ayos ng PCO at inatasan itong makipagtrabaho sa bagong gawang posisyon ng Presidential Adviser for Creative Communications.

Maliban sa mga estasyon, kontrolado rin ng PCO ang paggawa at pagkalat ng online content. Sa ngayon, ang gobyerno ay may ipinatatakbong walong portal ng balita pampublikong impormasyon at ilang social media account sa Facebook, Twitter, TikTok, YouTube at Instagram. Ang Pangulo mismo ay nagpo-post ng mga vlog sa YouTube at TikTok, at may verified na account sa X (dating Twitter).

  • Project by
    VERA Files
  •  
    Global Media Registry
  • Funded by
    BMZ
  •  
    Logo of Embassy of the Federal Republic of Germany Manila