This is an automatically generated PDF version of the online resource philippines.mom-gmr.org/en/ retrieved on 2024/12/05 at 02:36
Global Media Registry (GMR) & VERA Files - all rights reserved, published under Creative Commons Attribution-NoDerivatives 4.0 International License.
VERA Files LOGO
Global Media Registry

Kasaysayan

Mula noon ay mahalaga na ang media sa pakikipaglaban ng mga Filipino para sa kalayaan at demokrasya. 

Noong mahigit 300 taon ng pananakop ng mga Espanyol (1521-1898), ang papel ng media bilang instrumento ng pagtutol at panawagan sa pagbabago ay naipahayag sa diyaryong La Solidaridad na isinulat at inilathala ng mga estudyanteng Filipino sa Espanya.

Ang pagtutol at pagkamakabansa ng mga Filipino ay patuloy na naipahayag sa media sa kabila ng pananakop ng mga Amerikano, na tumagal ng halos 50 taon (1898-1946).

Noong ilang taon ng pananakop ng mga Hapones (1941-1945), ipinatigil ang paglalathala ng lahat ng diyaryo, maliban sa iilang ginamit ng mga Hapones bilang propaganda.

Ang mga taon pagkatapos ng digmaan ay kinikilalang ginintuang panahon ng media sa Pilipinas dahil may tiwala ang publiko sa media kaya may malakas na pagbabalita at matatalas na opinyon. Kaya hindi nakagugulat na nang ideklara ni Ferdinand Marcos Sr. ang Batas Militar noong Sept. 21, 1972, isa sa mga una niya ginawa ay ipasara ang lahat ng media.

Pero kahit noong pinakamadidilim na taon ng demokrasya sa Pilipinas, kung kailan ang media ay mahigpit na ikinontrol ng gobyerno, ang publiko ay nagkaroon ng alternatibong media gaya ng We Forum at Ang Pahayagang Malaya na nagsiwalat ng mga katiwaliang gaya ng mga pekeng medalya ni Marcos. 

Ipinasara ng diktador na Marcos ang We Forum at ipinadakip ang mga manunulat at tagapaglathala ng diyaryo.

Ang pagpapatalsik sa Diktaduryang Marcos sa pamamagitan ng EDSA People Power Revolution ang nagbalik ng demokrasya sa Pilipinas noong February 1986. Kasunod ay naisulat ang bagong Konstitusyong isinisiguro ang kalayaan ng media at kalayaan ng publikong makakuha ng totoong impormasyon, lalo na sa mga isyung panlipunan. 

Nakaranas na naman ng pagsubok ang media sa Pilipinas nang maging pangulo si Rodrigo Duterte noong 2016–2022. Ipinasara niya ang ABS-CBN sa pamamagitan ng kontrolado niyang Kongreso na hindi binigyan ng bagong prangkisa ang pinakamalaking broadcasting network sa Pilipinas. Sinampahan niya ng kaso ang Rappler. At siniraan niya ang mga mamamahayag. 

Si Durterte lang ang nag-iisang pangulo ng Pilipinas na nahaharap sa kasong pag-uutos ng pagpatay sa isang journalist.

Kahit kinikilala ang Pilipinas bilang may pinakamalayang media sa Asya, kinikilala rin ang Pilipinas bilang isa sa mga pinakanakamamatay na bansa para sa mga mamamahayag. Ang National Union of Journalists in the Philippines ay nakapagtala ng halos 200 media workers na pinatay mula 1986. 

Bukod sa mga banta ng pagpatay, marami pang panganib, gaya ng krimeng libel, ang kinahaharap pa rin ng mga journalist sa Pilipinas. Ang Cybercrime Prevention Act of 2012 at Anti-Terrorism Act of 2020 ay mga banta rin sa totoong malayang pamamahayag.

  • Project by
    VERA Files
  •  
    Global Media Registry
  • Funded by
    BMZ
  •  
    Logo of Embassy of the Federal Republic of Germany Manila