This is an automatically generated PDF version of the online resource philippines.mom-gmr.org/en/ retrieved on 2024/09/18 at 02:49
Global Media Registry (GMR) & VERA Files - all rights reserved, published under Creative Commons Attribution-NoDerivatives 4.0 International License.
VERA Files LOGO
Global Media Registry

Politika at Media

Tatlumpu’t anim na taon matapos mapatalsik ng milyong-milyong Filipino ang diktador na si Ferdinand Marcos Sr.—ibinoto ng karamihan ng Filipino sa pagkapangulo si Ferdinand Marcos Jr. Malala na nga ang ipinagbago ng politika sa Pilipinas. 

Maraming dapat matutunan sa pagbabalik ng mga Marcos sa kapangyarihan–kung paano nila nalinis ang kanilang pangalan sa pamamagitan ng pagkalat ng maling impormasyon, kasabwat ang mga eksperto sa media at mga opisyal ng gobyerno na hindi ibinoto ng publiko.

Ayon sa 1987 Constitution, ang Pilipinas ay isang republikang may demokrasya. Ang kapangyarihan ay nasa mamamayan at lahat ng kapangyarihan ng gobyerno ay nagmumula sa publiko. May pambansang eleksiyon kada tatlong taon. At ang resulta ng eleksiyon—kung naisagawa nang mapayapa, malaya at patas—ay dapat kilalaning kagustuhan ng mamamayan. Kung sa mga nakaraang eleksiyon ay nabibili ang mga boto at nagagamit ang karahasan, ipinakita ng kampanya ni Marcos Jr. ang kapangyarihan ng tusong paggamit sa social media.

Social media na ang pangunahing pinagkukunan ng balita ng mga Filipino ngayon. Hindi na gaya noon, na sa maraming taon, TV ang siguradong paraan ng mga kandidato para makilala ng mga botante. 

Sa ABS-CBN sumikat ang mga news anchor na sina Noli de Castro na naging bise presidente, Loren Legarda na naging senador at Ted Failon na naging kongresista.

Bago pa ang mga ito, mas marami pang kilala sa TV, gaya nina Eddie Ilarde at Orlando Mercado, ang gumamit ng kanilang kasikatan para maging politiko. 

Kasikatan din ng basketball sa TV ang dahilan kung bakit nakapasok sa politika ang ilang basketbolista.

Dahil halos 25% ng mga Filipino ay walang sapat na sahod para makakain man lang, napapaniwala ang maraming botante sa mga pangako ng mga kandidadato na pabababain daw ang presyo ng bilihin at gagawa raw ng maraming trabaho. Napakarami pa ring bumibili ng boto pero wala pa ring napaparusahan dahil dito.

 Ang gobyerno ng Pilipinas ay may tatlong sangay na may kapangyarihang pantay-pantay: tagapatupad ng batas, tagagawa ng batas at tagahusga ng batas. 

Ang pantay-pantay na pagkakahati ng tatlong sangay ay para sa pagbabantay at pagbabalanse ng kapangyarihan.  Pero nasisira ito dahil karamihan ng politiko ay mas pinapaboran ang mga tagasuporta nila. 

Sa sistemang maraming partido, gaya ng politika sa Pilipinas, madaling lumipat ang mga politiko sa partido ng kung sinumang namumuno. 

Ang dinastiya o paghahari-harian ng iilang pamilya lang ay isa pang nakagagalit na realidad sa Pilipinas. Ang dinastiya ay kabaliktaran ng demokrasya dahil nililimitahan nito ang labanan sa politika, na kadalasang nagdudulot ng abuso sa kapangyarihan at pagpigil sa paglago ng ekonomiya.

  • Project by
    VERA Files
  •  
    Global Media Registry
  • Funded by
    BMZ
  •  
    Logo of Embassy of the Federal Republic of Germany Manila