This is an automatically generated PDF version of the online resource philippines.mom-gmr.org/en/ retrieved on 2024/09/19 at 03:18
Global Media Registry (GMR) & VERA Files - all rights reserved, published under Creative Commons Attribution-NoDerivatives 4.0 International License.
VERA Files LOGO
Global Media Registry

Buod ng Pag-aaral sa Legalidad ng Pag-aari sa Media sa Pilipinas noong 2023

Sa ilalim ng mapaghiganting gobyerno, kahit ang pinakamaluwag na batas o prosesong legal ay puwedeng gawing armas. Nagiging politika na lang ang batas. Para sa mabababaw na interes sa politika, binabaluktot ang mga batas na ginawa para sa pagpapalago ng lipunan at mga institusyon. Katakot-takot ang dulot nito sa malayang pamamahayag—sa lipunang tinatag sa malayang pag-uusap sa mga bagay na nakasalalay ang kapakanan ng mamamayan. Gaya ng pagmamalupit ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga kalaban.

Bago pa naging pangulo si Duterte, tinanong siya sa isang press conference kung paano niya sosolusyonan ang maraming pagpatay sa Pilipinas. Nagbanta siya: “Just because you’re a journalist, you are not exempted from assassination if you’re a son of a b*tch.” [Hindi porke’t tagapagbalita kayo, hindi na kayo puwedeng ipapatay kung mga anak ng p*ta kayo.] Ganoon niya itrato ang media na matagal nang sinasawalang-bahala bilang pundasyon ng demokrasya. 

Ang sumunod ay anim na taon ng paninira sa mga pangunahing institusyong panlipunan: mula sa Simbahang Katolika, lehislatura, mga ahensiyang nagpapatupad ng batas, mga korte, sambayanan at siyempre ang media. Pero nasakyan iyon ng napakaraming Pinoy na hindi naman guminhawa ang buhay, sa kabila ng pangakong pagbabago mula nang mapatalsik ng mapayapang EDSA Revolution ang dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr. noon pang 1986. 

Noong May 2022 ay nanalo sa pagkapangulo ang anak ng dating diktador dahil sa maingat na kampanyang plinano maraming taon na, sa pamamagitan ng pagbabago ng kasaysayan at madaling pagpapakalat ng maling impormasyon sa social media.
Malaking dahilan din sa pagkapanalo ni Bongbong Marcos ang pagkampi niya kay Sara Duterte. Binansagang “Uniteam,” ang nanalong magkakampi noong eleksiyon—wala pang dalawang taon—ay magkalaban na ngayon. 

Ang artikulong ito ay pagpapatuloy ng pag-aaral na nagsimula noong 2016 tungkol sa pag-aari at pagkakaiba sa media sa Pilipinas. Naka-focus ang pag-aaral sa dalawang pangunahing pagsubok sa media sa Pilipinas noong administrasyong Duterte: ang  pagpapasara sa ABS-CBN at paninira sa Rappler. Ang pangatlong parte ay tungkol sa pagtatangka ni Duterte na pigilan ang mga pagpuna sa gobyerno, sa pamamagitan ng “anti-terror” law. At ang pang-apat at panlimang parte ay tungkol sa pagbabago ng politika ngayong administrasyong Marcos Jr. at epekto nito sa malayang pamamahayag at pagkakaiba sa media. 

  • Project by
    VERA Files
  •  
    Global Media Registry
  • Funded by
    BMZ
  •  
    Logo of Embassy of the Federal Republic of Germany Manila